Tuesday, August 24, 2010

Kabataan, may pag asa pa!

Ika-111 taon na mula nang inialay ni Gat Jose Rizal ang kanyang buhay para sa bayang sinilangan. Sa pagbagsak ng martir sa lupa ay siya namang pagbangon ng pag asa. Pag asang kanyang iniatang sa mga balikat ng kabataan. Isang pangarap na maiahon ang Pilipinas sa lugmok ng kahirapan sa pamamagitan ng talim ng isip ng makabagong henerasyon. Kabataan, asaan ka na nga ba ngayon?

Kabataang nadadawit sa mga eskandalo at panggagahasa. Kabataang hindi na makapag aral dahil sa pagkasugapa sa droga, shabu, marijuana at iba pang ipinagbabawal na gamot. Kabataang walang ginawa kundi lustayin ang pera ng mga naghihirap na magulang. Kabataang natuto nang pumatay. Kabataang halos isuka na ng lipunan sa kahihiyan. Kabataang sumasalamin sa kabilang dako ng pangarap ni Rizal.

Ngunit kung buhay pa ang bayani hanggang ngayon, alam kong hindi siya titigil sa paniniwala sa kakayanan ng kabataan Pilipino. Dama kong patuloy na mag aalab ang kanyang pag ibig para sa mga ito. At imbes na mamuhi, alam kong mas hihimukin at mamahalin pa niya ang mga ito sa kabila ng buong mundong tumutuligsa na sa kanila.

“Magagmit kayo ng bayan.” Ito ang mga katagang binitiwan ni Punong Mahistrado, Renato Puno nang may kumpiyansa. Isang Rizal na hindi nagsasawang manalig na pag asa pa rin ng bayan ang mga kabataan.

Ayon kay Corona, dapat maging mulat ang mga mata ng henerasyong ito sa proseso ng edukasyon. Karapat dapat lamang seryosohin ng mga kabataan ang pag aaral ng wasto dahil ito lamang ang tanging tulay sa maliwanag na kinabukasan para sa kanilang buhay at sa bansang Pilipinas. Sa ayaw man o sa hindi, dadaan at dadaan sila sa pag prosesong ito.

Tunay nga naman na ang pag aaral ay susi sa tagumpay. Isa itong armas na makatutulong sa mga kabataan na patunayan ang kanilang mga sarili.

Huwag nating biguin ang mga taong nananatiling umaasa sa kakayanan ng kabataan kagaya nina Corona at Rizal. Huwag tayong pumayag na maging imahe nalang tayo ng pagiging sakit sa ulo habambuhay.

Kung sa bagay, malayu-layo na rin ang ating narating. Maaaring may mga pagkakataong napapaliko ang ating landas. Maaaring ilang beses na rin tayong nabangga. Ngunit ang mahalaga ay ang patuloy nating pagtayo, paglaban at pagpapatunay na kaya nating magbigay pugay sa bayan.

Kabataan, hindi pa huli ang lahat.

No comments:

Post a Comment